


ARTIST | AUTHOR | ACTOR | FILMMAKER
FACTOLERIN
ROM

ANDREA Oyayi sa Daluyong

Mistulang gamu-gamong nabitag sa sapot ng gagamba ang buong buhay ni Andrea, isang tatlumpung taong gulang na ginang na may limang taong gulang na anak, si Sinta—na may congenital syphillis. Sa kanyang pagpupumilit na kumawala sa kinasasadlakan, lalo lamang siyang nababaon sa kumunoy ng sabwatan-katrayduran-kalupitan ng lipunang kanyang ginagalawan.
Si Naldo, ang kanyang kinakasama sa buhay ang nagmamay-ari ng kamay na kanyang tinatanganan bilang gabay sana sa kanilang magkasabay na pag-ahon sa hirap ng buhay ay siya mismong kamay na nagtulak kay Andrea sa bangin ng kapahamakan. Nagbigay daan upang makilala ni Andrea ang lubhang malulupit na halimaw ng lipunan sa katauhan ni Ret. Gen. Eduardo Martizano at Congresswoman Lilian Villeza. Kinaladkad si Andrea ng mga di inaasahang pangyayari sa kaibuturan ng talamak na bentahan ng droga at ang walang kasing duming kalakaran ng patayan, pagtataksil, agawan ng kapangyarihan, dayaan at ga-mundong pagmamahal sa kayamanan.
Sa kalagitnaan ng napakahabang pagkahulog ni Andrea sa dilim ng bangin ng kapahamakan, kasabay nitong bumabaligtad at nahuhulog sa kailaliman ng hukay ang buo niyang buhay at pagkatao, damay ang buong niyang pamilya at ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Kitang-kita niya ito sa kanyang mga matang nakamulagat sa pagkasindak na kahit ipikit ay nagpupumilit na ipamulagat sa kanya ang malagim na kasasapitan. Walang pagpipilian kundi ang mangunyapit sa mga sangang nakausli sa gilid ng bangin at hilahin ang sariling bigat upang makaahon at tumayong muli. Maghiganti sa mga taong nagtulak sa kanya sa pagkahulog.
DEADEND nobela

Ang DEADEND ay isang matapang na pagsisid sa bangungot ng Maynila, ang panahon matapos ang pandemya—isang lungsod na umaalingasaw sa kabulukan, nakasusulasok na mga sulok, habang nakamulagat itong nakatunghay sa iyo sa kanyang nanlilimahid na luhaang mga mata.
Si Danny, isang delivery rider, ay naglalabas-pasok sa bituka ng lungsod, kumakatok sa mga pintong may kuwento sa likod: karahasan, basag na moralidad, at mga katauhang nabubulok. Maging sa sariling tahanan, sinalubong siya ng dispalinghadong kalagayan—isang asawang tuluyang nilalamon ng kagaw sa isipan.
Isang gabing malakas ang ulan, isang hubo’t hubad at sugatang babae ang sumulpot mula sa dilim—si Lea, ang kanyang kababatang nawawala, dating kasintahan at ngayon ay muling nagbalik, sa isang di inaasahang desperadong pagkakataon. Muli silang pinagtagpo sa gitna ng delubyo at kapahamakan. At sa kagustuhang makaligta at makatakas--marahas nilang tinahak ang landas patungo sa tiyak na pagbulusok.
Ito ay kwento ng mga pintong nanatiling nakapinid, mga eskinita ng lihim at takot, at mga taong ang tanging kalayaan ay ang sariling kamatayan. Sa lungsod na ito, kahit anong pagtakas ay tiyak na muling pagkabihag, upang tumakas na muli, at muli na namang mabibihag. Walang hanggang siklo ng padilim at pagliwanag.
